Thursday, September 16, 2010

Ilaw Ng Aming Tahanan

Malapit na ang kaarawan ng aking ina. Taun-taon ay lagi kong naiisip ang pamamatnubay, pagmamahal at pagsasakripisyo niya para sa aming lahat.

Masasabi kong napakasipag ng aking ina. Pagmulat ng kanyang mata mula umaga hanggang gabi ay inaasikaso niya ang aking mga kapatid, ang aking ama, pati na ang kanyang mga apo. Kung tutuusin ay hindi na niya dapat ginagawa ang sobrang trabaho na nakikita kong ginagawa niya pag umuuwi ako sa Tuy. Sa isang tulad niyang sisenta y singko na,dapat ay nagpapaalwan na siya sa buhay. Pero hindi, ginagampananpa rin niya ang pagiging ulirang ilaw ng tahanan, walang pagod sa pagpaparamdam ng kanyang pagdamay at pagmamahal. Kaya naman pag umuuwi ako sa Tuy, pinipilit kong akuin ang mga ginagawa niya. Maaga akong gumigising para maglinis ng bakuran, magluto, maglinis ng bahay, maghugas ng pinggan. Duon man langmagawa ko siyang pagpahingahin kahit isa o dalawang araw lang.

Kilala niya ng lubusan kaming mga anak niya. Isang halimbawa ay pag kinukumusta niya ako kapag ako ay umuuwi. Maawa raw ako sa sarili ko kung hanggang alas onse ng hatinggabi ay gising pa ako. Inuusisa niya sa akin ang personal kong buhay, kung ano na ang nangyayari sa akin, na lagi akong mag-iingat dahil mag-isa lang ako sa Cavite, mag-isang dinadala ang sarili ko. Hindi ko na ipinapaalam ang mga hirap na nararanasan ko sa buhay ko para lamang mapatakbo iyon ng maayos. Ayaw ko na iniisip pa niya ako. Pero ang huling problema na hinarap ko, di ko na naitago pa dahil kung sa tanim sa bukid ay kasabihang humapay ako, binagyo. At naroon ang mga pamilya ko, ang mga kapatid ko, ang mga magulang ko, ang inay ko...inunawa ako, at ibinibigay pa rin ang pagtitiwala na para sa unang anak na tulad ko. Hindi ko makakalimutan ang matalinhagang pangungusap ng Inay,"Sa tamang panahon magiging masaya ka din. Hayaan mo lang ang tadhana ang mamili ng tamang tao para syo. Wag mong ipilit ang mga bagay bagay, darating yon sa panahong di mo inaasahan. Huwag matigas ang ulo mo."

Minsan naisip ko na kahit kahawig ako ni Tatay,madami akong minana kay Inay. Ang pagiging malakas, masipag, mapagmahal, at kakayahang magsakripisyo ang ilan lamang sa mga iyon. Ipinagpapasalamat ko ang magandang paghubog niya sa akin na tumayo sa sariling paa ang naging kaagapay ko sa mga bagyong dumaan sa buhay ko, na kahit anong lugmok ay babangon ulit.

Alam kong hahanapin niya ang presensiya ko sa kanyang kaarawan dahil malayo ako. Naghihintay lang ako ng tamang araw para mapasaya ko naman muli ang aking ina...kahit mahuli pa ako. Maligayang kaarawan sa nag-iisang tao na iniidolo ko....ang aking Ina.

No comments: