Wednesday, March 07, 2007

Estranghero

by Gabriela Blanca (shiepel)

(Ito ay tulang sagot sa Manhid ni Andres Rizal)

Ako ay naaliw nang aking mabasa
Ang iyong tulang laan para sa kanya
Nais ko sana, ito ay iyong makita
Upang makamit na, pag-ibig sa sinisinta

Hindi ba tayo ay nasa makabago na
Mabilis, di mabagal, ang uso sa tuwina
Huwag ka nang ligaw tingin
Marapat ay ipabatid ang damdamin

Gumawa ng paraan, sa kanya ay lumapit
Maaari mo namang sabihing siya ay marikit
Ano pa ang iyong hinihintay?
Baka ikaw ay maunahan, saka malulumbay

Huwag mo sanang isipin na siya ay manhid
Baka hinihintay lamang pag-ibig mo ay ipabatid
Wala namang mawawala kung iyong sasambitin
Iyong pagmamahal na matagal nang kinikimkim

Malapit mo nang marinig
Bulong ng pag-ibig
Lakas ng loob ang kailangan
Huwag maging estranghero sa minamahal